Tinigilan ko nang magbasa nang dyaryo kasi ayaw ko na sanang makabasa ng balita tungkol sa walang awang pagkamkam sa yaman ng bayan at sa walang patumanggang pagbabangayan sa pulitika.
Pero iba kanina. Habang nagtitimpla ako ng kape, nagdesisyon akong magluwal ng P18 para sa isang kopya ng Inquirer. Doon, sa front page, nabasa ko ang kwento ni Mariannet Amper, o Manette. Edad 11 s’ya. May isang kapatid. Buhay pa ang mga magulang. Taga-Davao. Nag-suicide s’ya noong November 2. Base sa mga diary entries at sulat n’ya sa Wish Ko Lang na nahanap sa ilalim ng unan n’ya (hindi n’ya ipinadala), tila nagpakamatay si Manette dahil wala na syang pag-asang makakaahon pa sa hirap ang pamilya n’ya.
Sa murang edad n’ya, wala na s’yang pag-asa. Kwento ni Mang Isabelo, ang tatay n’ya, nung gabi daw bago magpakamatay si Manette, nanghihingi ang bata ng P100 para sa school project nila na kailangang ipasa noong November 5. Walang maibigay ang ama dahil ilang buwan na rin itong walang trabaho bilang construction worker—edad 49 na daw kasi sya at madalang na ang kumukuha sa kanya. Wala ring maibigay ang ina na naglalabada, sapat lang ang kakarampot na pera pangkain nila. In fact, tatlong araw nang hindi pumapasok sa eskwela si Manette at ang kapatid dahil wala sila ni pamasahe para pumunta sa paaralan. Ayaw naman silang paglakarin ng ama dahil malayo nga ang paaralan. Nakalagay sa diary entry ng bata, “parang isang buwan na kaming hindi pumapasok…”
Pero kinabukasan, nakapag-cash advance si Mang Isabelo ng P1,000 mula sa isang prospective employer. Pag-uwi n’ya, hindi na pala kailangan ni Manette ang P100. Niresolba na nito ang sariling problema sa pamamagitan ng lubid.
Gusto kong mainis kay Manette. Ano ka ba namang bata ka, ang hina-hina ng loob mo, pera lang ‘yan. Gusto ko ring sisihin ang magulang n’ya. Pero hindi ko magawa. Ang alam ko lang sa ngayon, guilty din ako kasi tumigil na ako sa pakikipaglaban sa korupsyon na ugat ng gantong klaseng kahirapan. Guilty din ako kasi sinara ko na ang mga mata at tenga ko sa kawalan ng hustisya. Guilty din ako kasi wala na akong ibang inisip kundi ang pansarili kong survival. Sana hindi ako tumigil sa pagiging guilty lang…